Net worth ni Binay tumaas ng P57M sa 25 taon
MANILA, Philippines – Ipinaliwanag ng kampo ni Bise-Presidente Jejomar Binay ngayong Miyerkules ang kanyang yaman sa kabila ng mga panawagan na sumailalim ang opisyal sa lifestyle check.
Sinabi ng kampo ni Binay na nasa P60,118,766 ang net worth ng bise-presidente, kung saan P28.7 milyon dito ay cash, habang ang nalalabi ay halaga ng mga ari-arian.
Nagsimula anila ang net worth ni Binay sa P2,527,724 nang mahalal bilang alkalde ng Makati noong 1998.
Ayon sa abogado ng Bise-Presidente, tanging ang sahod lamang sa gobyerno ang pinagkakakitaan ni Binay noong 1989 hanggang 1991, habang may flower business ang asawa niya.
Noong 1992 hanggang 1993 naman ay kumita ng higit P4 milyon si Binay bilang professional fees bago pa siya pumasok sa gobyerno, kaya naman umangat ang kanyang total net worth sa P7,749,315.
Pumalo ang negosyo ni Binay na JCB Farms sa Batangas kung saan tumaas sa P44,350,921 ang net worth ng Bise-Presidente mula 1994 hanggang 2010.
Sa pagitan nito ay nakakuha ng pag-aari si Binay sa San Antonio Village sa lungsod ng Makati ang opisyal na nagkakahalaga ng P4.5 milyon.
Nagsagawa ng pagsasaayos sa naturang pag-aaari para tumaas ng halaga nito sa P8.8 milyon noong 2002 hanggang 2006.
Noong 2010 ay may sumobra ang kanyang campaign contributions nang tumakbo sa kinauupuang puwesto ngayon na nagkakahalaga ng P13,541,711, bukod pa sa pagbebenta ng piggery business.
Sinabi ng tagapagsalita ni Binay na isinapubliko ang yaman ng bise-presidente upang matigil na ang mga haka-hakang may tagong yaman ito.
"It has been reported that a lifestyle check must be undertaken by those who aspire for higher office. So, we thought that it will be best that we do it first to show that the Vice President leads by example," wika ni Cavite Gov. Jonvic Remulla.
Nahaharap si Binay sa kasong plunder dahil sa kontrobersyal na Makati City Hall II parking building na ayon sa mga nagreklamo ay overpriced.
Iginiit ni Binay na “world class” ang tanging gusali kaya umabot sa higit P2 bilyon ang ginastos.
- Latest