Aegis Malaysia, pinagpapaliwanag sa mapanirang video vs Pinas
MANILA, Philippines - Hiniling ng Embahada ng Pilipinas sa Kuala Lumpur sa kumpanyang Aegis Malaysia na ipaliwanag ang pagpapalabas ng video advertisement na nagbibigay kahihiyan sa imahe ng Pilipinas.
Ayon sa Embahada, ang nasabing video ay viral o ipinalalabas sa social media na siyang nagbigay ng alarma sa mga mamamayang Pinoy.
Base sa ulat, inalis na ng Aegis Malaysia ang naturang video at ang rogue copies lamang umano nito ang nagsi-circulate o lumalabas. Sa isang liham, sinabi ng Embahada ang kanyang matinding pagmamalasakit sa usapin dahil ikinokonsidera nito ang pakikipagkaibigan ng Pilipinas sa mga Malaysian companies at aktibong mga partner sa pagsusulong ng bilateral at regional trade at sa pamumuhunan.
Pinagpapaliwanag at pinakaklaro rin ng Embahada sa management ng Aegis Malaysia ang pagpapalabas ng nasabing video at sa kung ano ang gagawin nilang plano upang masolusyunan ang isyu. Base sa report, ang naturang kumpanya ay nakabase sa Malaysia subalit pinatatakbo ng third-country nationals.
Sa 3-minutong video advertisement, ipinakikita na ang Malaysia ay mas magandang investment na lugar kaysa sa Pilipinas dahil sa mga kinahaharap na malalaking disaster o kalamidad ng bansa gaya ng bagyo at lindol dahil sa lokasyon nito ay nasa Pacific Ring of Fire.
Mapapanood din sa video na may pamagat na “Aegis Malaysia Trashes Philippines in Latest Video Advertisement” na ang Pilipinas ay mga mahihinang establismyento o imprastraktura, may “unfriendly climate”, kulang sa seguridad at kulang din ang suporta ng gobyerno. Ikinumpara rin sa video ang Pilipinas at Malaysia kung saan sinabi na ang Malaysia ay “investor friendly” dahil sa magagandang polisiya ng kanilang gobyerno at mas madali ang proseso at accessible ang kanilang administrasyon.
- Latest