Purisima kinasuhan ng plunder sa Ombudsman
MANILA, Philippines - Sinampahan ng kasong plunder sa tanggapan ng Ombudsman si PNP Chief Alan Purisima kaugnay ng umanoy hindi maipaliwanag na yaman nito.
Sa 5-pahinang reklamo ng Coalition of Filipino Consumers kay Purisima, binigyang diin ni Perfecto Jaime Tagalog, secretary general ng naturang grupo kung saan nagmula ang P25 milyon halaga ng naipagawang white house sa loob ng Kampo Krame.
Kinuwestyon din nito ang mala-palasyong bahay at lupa sa Nueva Ecija na anila’y pawang hindi nakasaad sa naisumite nitong statement of assets, liabilities and net worth (SALN).
Pinabubusisi rin ng naturang grupo sa Ombudsman ang iba pang hinihinalang tagong yaman ni Purisima na anilay hindi umano kikitain ng isa lamang opisyal ng pulisya kung susumahin ang halaga ng mga ito.
Una rito, nanawagan ang naturang grupo na lisanin na ni Purisima ang posisyon upang mabigyang daan ang pagbusisi sa naisampang kaso laban dito.
Naungkat ang yaman ni Purisima nang madiskubre ang kuwestyonableng yaman ng mga pulis na sangkot sa “Edsa hulidap” kayat nagkaroon ng panawagan na isailalim sa lifestyle check ang lahat ng opisyal at tauhan ng PNP.
Nang kalkalin ang sinasabing mga ari-arian ni Purisima at aprubahan ni DILG Secretary Mar Roxas ang pagsasailalim sa lifestyle check sa mga pulis, lumitaw ang mga umanoy tagong yaman ng PNP Chief na dapat nitong ipaliwanag.
Samantala, handa namang harapin ni Purisima ang kanyang kasong plunder sa Ombudsman.
- Latest