Registration sa SK polls sinimulan
MANILA, Philippines - Nagsimula na kahapon ang registration period para sa mga kabataan na lalahok sa 2015 Sangguniang Kabataan (SK) elections.
Tatagal ng 10 araw ang pagpapatala na magtatapos sa Setyembre 29, alinsunod sa Commission on Elections Resolution No. 9899.
Dahil dito, hinimok ng Comelec ang mga kabataang nasa 15 hanggang 17 taong gulang na bago o sa mismong araw ng eleksyon na samantalahin ang pagkakataon para makapagparehistro at makaboto sa Pebrero 21, 2015 SK elections.
Maaari umanong magtungo ang mga ito sa local Comelec office sa kanilang lungsod o munisipalidad upang magparehistro.
Para makatiyak na hindi na magpapabalik-balik, ang mga aplikante ay maaaring magdala ng certificate of live birth, baptismal certificate, school records at iba pang dokumento na makapagpapatibay ng kanilang identity at kuwalipikasyong makapagparehistro.
Kinakailangan din umano sila ay may anim na buwan nang residente ng kanilang barangay.
Ang mga kabataang hindi nakapagrehistro noong nakaraang SK registration period na mula Hulyo 22 hanggang 31, 2013 ay maaari ring magparehistro ngayon.
Ang SK polls ay orihinal na nakatakda noong Oktubre 29, 2013 ngunit naipagpaliban ito alinsunod sa RA 10632 na nilagdaan ni Pangulong Aquino. (Ludy Bermudo)
- Latest