MM pinalubog ni ‘Mario’
MANILA, Philippines - Parang Ondoy na pinalubog sa baha ang malaking bahagi ng Metro Manila at karatig lalawigan dahil sa walang patid na buhos ng ulan dala ng bagyong Mario.
Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), isa ang Metro Manila sa ‘areas of concern’ dahil sa lawak ng pagbaha dahilan para itaas ang red rainfall alert warning kahapon kahit walang storm signal.
Sinabi ni NDRRMC Executive Director Alexander Pama, ang bagyong Mario ay nakaapekto sa 104,339 pamilya o kabuuang 470,323 katao mula sa Region III, IVA, IVB at National Capital Region (NCR). Ang bagyo, ayon pa sa opisyal ay kakaiba na bagaman hindi masyado ang hangin ay grabe ang ibinubuhos na ulan na hinihigop ng habagat.
Bunga ng mga pagbaha ay suspendido ang klase sa lahat ng antas gayundin ang pasok sa government offices sa Metro Manila, Zambales, Bulacan, Bataan, Pampanga, Tarlac, Rizal, Cavite, Laguna, Batangas, Quezon, Mindoro, Marinduque, Camarines Norte at Pangasinan.
Bukod sa MM, nakataas rin ang red rainfall alert warning sa Bulacan, Laguna, Rizal, Cavite at Batangas.
Napilitan ang Manila Electric Company na putulin ang suplay ng kuryente sa ilang lugar sa Quezon City; Sta. Mesa, Maynila; Potrero at Tugatog sa Malabon; at ilang barangay sa Meycuayan, Bulacan.
4 patay sa lunod
Bunga ng pagbaha, apat katao ang naiulat na namatay matapos malunod.
Ito’y ang 2-anyos na bata na si Andres Gaviola at isang 34-anyos na nakilalang si Jr. Tagnis na pawang taga-QC habang isang Bryan Verbo ang inireport na nasawi sa Caloocan City.
Patay din ang 69 anyos na matandang kinilalang si Erlinda Centeno matapos itong aksidenteng mahulog sa rumaragasang baha sa sapa sa Rodriguez, Rizal.
Quezon City
Binaha ang mga lugar ng Araneta Avenue, Bagong Silangan, Tullahan at Dario River, Commonwealth, San Dionisio, Tatalon, Mindanao Avenue, Victoneta Avenue, Macarthur Highway sa Quezon City.
Hanggang bubong sa Gumamela St. sa Roxas District, lagpas tao sa Amoranto-Araneta Avenue habang hindi madaanan ng mga behikulo ang kahabaan ng Edsa at Quezon Aveue sa harapan ng Centris.
Inilikas sa evacuation centers ang nasa 975 pamilya o mahigit 4,000 katao sa Brgy. Silangan, Quezon City.
Umabot sa ikalawang palapag ng mga tahanan ang mga pagbaha sa Roxas District; halos lagpas tao sa bahagi ng QI sa Araneta sa panulukan ng E. Rodriguez Ave. at hanggang dibdib, abot hanggang baywang sa Caragay St., sa Brgy. Damayang Lagi.
Maynila
Hanggang leeg ang baha sa malaking bahagi ng Sta. Mesa kaya na-trap ang maraming residente sa kanilang mga tahanan.
Binaha rin ang Quiapo underpass, mga kalye ng Laong-Laan, España, Maceda, Lacson, Bambang, Tayuman, Recto, Legarda, Bustillos, Burgos, Rizal Avenue, UN Avenue, Kalaw, R. Papa, Abad Santos at paligid ng Manila City Hall.
Sinamantala naman ng ilang tambay ang kumita at naglagay ng mga improvised na bangka na itinihayang kaha ng refrigerator at bath tub at ang balsa na yari sa kawayan na kanilang itinutulak patawid sa halagang P20 kada tao.
Hindi naman natuwa ang mga taga-Maynila dahil alas 6:00 na ng umaga nang magdeklara na walang pasok all levels ang mga paaralan sa lungsod si Manila Mayor Joseph Estrada at walang pasok ang mga empleyado ng Manila City Hall.
Sa mga nagsamantalang pedicab driver, naniningil sila kahapon ng pinakamababang P100.
Marikina
Umaabot naman sa 24,215 indibidwal o 5,221 pamilya ang lumikas dahil sa patuloy na pagtaas ng tubig sa Marikina River.
Bago mag-alas-10:00 ng umaga, patuloy pa ang pag-rescue partikular sa mga nakatira sa Barangay Tumana na hindi makaalis dahil sa mataas nang baha at kailangan pang sagipin gamit ang mga rubber boat.
Alas-11:18 Biyernes ng umaga, pumalo na ang water level ng ilog sa 19.9 meters na itinuturing nang critical level.
Binaha rin ang malaking bahagi ng Cainta, Rizal at bunga nito ay isinailalim na sa state of calamity ang Marikina City at lalawigan ng Rizal.
Maging ang lungsod ng Taguig ay dumanas ng mga pagbaha kung saan lubog ang Brgy. Bagumbayan, Pinagbuklod, Wawa kaya inilikas na ang mga residente.
Flights kanselado
Samantala, kinansela ang maraming biyahe ng domestic at international flights sa Ninoy Aquino International Airport bunga ng masamang lagay ng panahon.
Ang mga pagbaha ay nagdulot rin ng pagkaka-stranded ng maraming mga commuters at matinding trapiko sa mga apektadong lugar.
Pinayuhan naman ng Department of Energy ang publiko na kusa na nilang i-off ang kanilang mga main switch o circuit breaker ng kuryente sa kani-kanilang mga bahay kung baha na sa labas upang hindi na aniya maging peligro ito. (Ulat nina Joy Cantos, Angie dela Cruz, Ludy Bermudo, Lordeth Bonilla, Rudy Andal at Butch Quejada)
- Latest