^

Bansa

Harapin n’yo ako sa 2016 - Binay

Ellen Fernando - Pilipino Star Ngayon

MANILA, Philippines - Hinamon kahapon ni Vice President Jejomar Binay ang kanyang mga kalaban na harapin siya sa isang malinis at tapat na halalan sa 2016 at paangatin ang pamantayan ng pulitika sa bansa.

Ginawa ni Binay ang pahayag kasabay ng isa-isang pagsagot niya sa bawat akusasyong ibi­nabato sa kanya sa kasalukuyan lalo na ang hinggil sa umano’y overpriced na pagpapagawa ng Building 2 ng Makati City Hall.

“Tigilan natin ang pagsisinungaling at paninira sa kapwa. Humarap ta­yong lahat sa isang malinis at patas na halalan. Ipakita natin ang ating kakayahan at karanasan upang maging batayan ng taongbayan,” panawagan ng Bise Presidente.

Iginiit ni Binay na aboveboard ang lahat ng mga transaksyong isinagawa noong siya ang alkalde ng Makati. “Sa ilalim ng aking pamumuno, dumaan sa lahat ng pagsusuri ang mga proyekto ng Makati. La­ging tinitimbang, ni minsan hindi nagkulang. At mga ahensya ng gobyerno mismo ang nagpatunay na walang katiwalian at walang pagmamalabis,” diin niya.

Paliwanag ni Binay, ang gusali ay ipinatayo sa loob ng limang taon at sa bawat taon ay hina­hanapan ito ng konseho ng pondong gagastusin. At sa bawat taon na ma­tatapos ang isang bahagi ay dumadaan ito sa mahigpit na audit ng COA (Commission on Audit).

“Ang audit ng COA ay ginagawa taun-taon sa loob ng limang taon. Bukod pa ito sa technical audit ng mga teknikal na eksperto – inhinyero, arkitekto, surbeyor, at mga ekspertong accountants. Sa loob ng limang taon, sampung audit ang ginawa nila at wala silang nakita na anumang ano­malya.

“Ang kontratista ng gusali ay diretsong nagsabi na hindi ako humingi o binigyan ng suhol. Kung mayroon mang komisyon na sinasabing kinuha ang vice mayor, ito ay maliwanag na para sa kanya lamang,” diin pa niya.

Pinuna pa ni Binay na hindi mapapanindigan sa korte ng batas ang mga ebidensiya at testimonyang iniharap sa mga pagdinig ng Senate Blue Ribbon sub-committee hearings. “Ang bintang ng kanilang unang testigo na ‘overpriced’ ang Makati City Hall Building 2 ay nakabatay lamang sa estima ng National Statistics Office o NSO. Ngunit ang NSO mismo ang nagsabi na hindi tamang bata­yan ang kanilang estima. Ibig sabihin, ito ay hindi ebidensya,” paliwanag ni Binay.

Aniya, ang bintang na nagkaroon ng anomalya sa bidding ng proyekto ay “hubad na salita lamang” dahil walang dokumentong ipinakita o pinanghahawakan habang ang akusasyon na nakakuha siya ng komisyon na nakasilid pa sa malalaking bag ay sabi-sabi lamang ng dating vice mayor.

Sinabi rin ng Bise Presidente na haka-haka lamang ang alegasyon ng kanyang dating vice mayor na si Ernesto Mercado na nakakuha siya ng malaking kickback matapos na aminin ng huli na kumita siya sa proyekto.  

Hindi na anya bago sa kanya ang mga paratang, dahil ginagawa ito ng kanyang mga kalaban sa pulitika sa tuwing halalan sa Makati.  

Nangako naman si Binay na tutuparin niya ang kanyang mga tungkulin bilang Pangalawang Pangulo sa kabila ng mga paninira laban sa kanya.

BINAY

BISE PRESIDENTE

ERNESTO MERCADO

MAKATI

MAKATI CITY HALL

MAKATI CITY HALL BUILDING

NATIONAL STATISTICS OFFICE

PANGALAWANG PANGULO

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with