'Bong lulusot sa pork scam dahil kay Merlina Suñas'
MANILA, Philippines - Ang testimonya ng isa sa mga pork barrel scam whistleblowers ang puwedeng maging dahilan para malusutan ni Sen. Bong Revilla Jr. ang bintang na pandarambong laban sa kanya, ayon sa abogado ng nakakulong na opisyal.
"Nagpapasalamat kami kay Mrs. [Merlina] Suñas sa kanyang tulong sa depensa ni Senador Bong Revilla," ani Joel Bodegon, abogado ni Revilla.
Sa kanyang testimonya sa pagdinig ng Sadiganbayan First Division sa kasong pandarambong laban kay Revilla, sina ni Suñas na nakita niya mismo na ang legislative staff ng senador na si Richard Cambe ang umano'y tumanggap ng komisyon sa tanggapan ng JLN Corp. ni Janet Napoles sa Ortigas noong mga taong 2006 at 2008.
Sinabi ni Suñas na apat na beses kumubra ng pera si Cambe noong mga nabanggit na taon. May pagkakataon pa umanong mismong siya ang nag-abot ng pera kay Cambe.
Binanggit din ni Suñas sa korte na dahil sa mga narinig niya sa mga pakikipag-usap ni Napoles sa telepono ay nalaman niyang si Revilla nga ang talagang nakikinabang sa perang kinukubra ni Cambe.
Ayon kay Bodegon, walang direktang ebidensya na magdidiin kay Revilla. Pinapatunayan din umano ng testimonya ni Suñas na walang matibay na ebidensya laban sa senador.
Aniya, ang mismong testimonya ni Suñas hinggil sa mga usapan sa telepono ni Napoles na narinig niya ay hindi tatayo sa korte dahil ito ay itinuturing na sabi-sabi lamang.
Kasalukuyang nakakulong ang senador sa Kampo Crame dahil sa kasong pandarambong na isinampa ng gobyerno laban sa kanya hinggil sa P10-billion pork barrel fund scam.
- Latest