P1.4B ‘black budget’ ibinisto
MANILA, Philippines - Meron umanong nakasamang P1.4 bilyong ‘black budget’ ang administrasyong Aquino sa panukala nitong P2.606 Trillion national budget para sa taong 2015 na gagamitin sa classified at secret operations.
Ito ang ibinunyag ng oposisyong Kabataan party-list Rep. Terry Ridon na nagsabing, sa datos ng Department of Budget and Management (DBM), humihingi ang Malakanyang ng P637.8 million para sa confidential funds na ipapamahagi sa mga piling ahensiya kabilang ang Office of the President (OP), Departments of Environment and Natural Resources, Finance, Interior and Local Government (DILG), Justice (DOJ), at National Defense.
Humihingi rin anya ang Executive department ng P832.6 million para sa intelligence funds na paghahatian ng ilang ahensiya tulad ng Office of the President, DILG, Department of Transportation and Communications, National Intelligence Coordinating Agency (NICA), at Philippine Drug Enforcement Agency.
“Ang paniwala ko, meron tayong black budget na nagkakahalaga ng average na P1.4 bilyon taon-taon. Tinutukoy ko ang intelligence at confidential funds,” sabi pa ni Ridon.
“Matagal nang binabatikos ang mga black budget dahil isa na itong institusyong pinagmumulan ng katiwalian at pagpopondo sa mga extralegal activities. Dapat seryosong ikonsidera ng Kongreso ang pag-alis ng black budget na ito mula sa batas sa pambansang badyet dahil nagdudulot ito ng maraming panganib lalo na kung walang Freedom of Information Law,” sabi pa ng kongresista.
Ipinaliwanag niya na ang confidential funds ay mga pondo para sa surveillance activities ng mga civilian departments and agencies. Hindi anya lahat ng ahensiya ay merong confidential funds at nasa kapangyarihan ng Executive Department ang pagpapasya kung aling departamento ang bibigyan ng pondo para sa confidential expenses.
- Latest