Para lang lumikas ang mga residente, P3 sa bawat alagang hayop sa Albay
MANILA, Philippines – Nag-alok kahapon si Albay Governor Joey Salceda ng P3.00 kada araw sa bawat alagang hayop para sa mga residente ng Albay na apektado sa ‘forced evacuation‘ kaugnay ng pinangangambahang pagsabog ng bulkang Mayon.
Sinabi ni Salceda na ito’y upang wala ng ikatwiran pa ang mga residente na ayaw magsilikas dahil nag-aalala sa kanilang mga alagang hayop na maiiwan.
Ayon kay Salceda, nasa 3,744 ang alagang hayop na kalabaw, 2,036 baka, 5,576 itik; 19,304 poultry tulad ng manok, baboy at iba pa; 4,640 aso sa 50 barangay sa 6 kilometer permanent danger zone na higit na nasa delikadong lugar.
“We have to budget P3 per head per day for their evacuation so families will have no alibi to go home or not to cooperate with the evacuation”, ani Salceda dahilan marami umano sa mga residente ang nagmamatigas na lumikas dahilan inaalala ng mga ito ang kanilang mga alagang hayop.
Sa mga nakaraang paglilikas sa mga residente dito, sinabi ni Salceda na marami ang nagsisipagtago at nagbabalikan sa kanilang mga tahanan sa kabila ng peligro ng panganib tulad na kapag may bagyo at iba pang kalamidad.
Ayon naman kay Col. Raul Farnacio, commander ng Army’s 901st Infantry Brigade nasa 1, 653 pamilya na ang nailikas ng Philippine Army kahapon (as of 5:30 pm).
Kabilang dito ang 334 pamilya mula sa Brgy. Maninila; 299 sa Brgy. Tandarora, 480 sa Brgy. Muladbucad Pequeno na pawang sa Guinobatan, Albay.
Nasa 400 pamilya naman sa Malilipot at 140 pamilya ang nailikas sa bayan ng Camalig.
Pinaghahanda na rin ang mga residente ng mga ‘masks’ na gagamitin para sa ashfall sa sandaling magbuga ng abo ang bulkan.
- Latest