Sa Tuwid na Daan Simbahan, barangay suportado si Mar
MANILA, Philippines – Nagkaisa kamakailan ang Simbahang Katoliko at ang Liga ng mga Barangay na suportahan ang Department of Interior and Local Government (DILG) sa pamumuno ni Secretary Mar Roxas sa kampanya nito na ipatupad ang Daang Matuwid sa mga proyekto ng mga lokal na pamahalaan.
Isinapormal ang naturang suporta sa pamamagitan ng paglulunsad noong Biyernes ng Ugnayan ng mga Barangay at Simbahan (UBAS) sa Archbishop’s Palace sa Intramuros, Manila.
Para pagtibayin ang nasabing samahan, pumirma sa isang Memorandum of Agreement sina Sec. Roxas, His Eminence Luis Antonio Cardinal Tagle at Liga ng mga Barangay National President Atty. Edmund Abesamis.
“Napapanahon ang paglulunsad ng UBAS upang tiyakin ang iisang tugon ng simbahan at barangay upang masiguro na ang pondo ng bayan ay tunay na tumutugon sa pangangailangan ng mga mamamayan,” ani Cardinal Tagle.
Ipinaliwanag ni Roxas na nabuo ang UBAS para pakilusin ang ordinaryong mamamayan at masigurong magtatagumpay ang kampanya kontra sa katiwalian sa lahat ng lebel ng pamamahala.
Malaki anya ang maitutulong ng Simbahan at ng mga Barangay para tiyakin na hindi maibubulsa ang mga pondong inilaan ng pamahalaan sa mga proyektong mapapakinabangan ng mamamayan.
“Pinapatunayan ng UBAS ang pagkakaisa ng DILG, ng Simbahan at ng mga Barangay para isulong ang mga inisyal na reporma ng Tuwid na Daan para sa ating mga Boss, ang mga mamamayan,” sabi pa ni Roxas.
Isa sa mga programang tututukan ng samahan ang Grassroots Participatory Budgeting Process (GPBP), ang programa ng DILG na naglalayong bigyan ng kapangyarihan ang mamamayan sa pagpili ng mga lokal na proyektong popondohan ng pamahalaan.
Ayon naman kay Abesamis, nakahanda ang Liga ng mga Barangay para tumulong sa DILG at sa Simbahang Katoliko para labanan ang kahirapan sa lahat ng panig ng bansa.
Ilulunsad ang UBAS sa iba’t ibang panig ng bansa sa mga susunod na linggo.
- Latest