11 lugar signal no.3 kay Luis
MANILA, Philippines – Labing-isang lugar sa Luzon ang isinailalim kahapon sa Storm Signal No. 3 dahil sa patuloy na paglakas ng bagyong Luis na tumama na kahapon sa kalupaan ng Cagayan-Isabela area.
Ayon sa PAGASA, taglay pa rin ng bagyo ang lakas ng hangin na aabot sa 130 kilometro malapit sa gitna at may pagbugso ng hangin na aabot sa 160 kilometro bawat oras.
Tinatahak ng bagyo ang kanluran-hilagang kanluran sa bilis na 22 kilometro kada oras.
Nasa ilalim ng signal no. 3 ang Cagayan, Babuyan at Calayan group of island, Apayao, Ilocos Norte, Abra, Kalinga, Isabela, Mountain province, Ilocos Sur at Ifugao.
Habang signal no. 2 sa Batanes group of islands, La Union, Benguet, Nueva Viscaya, Quirino, Aurora at Nueva Ecija,
Signal no. 1 sa Tarlac, Zambales, Pampanga, Bulacan, Northern Quezon at Polilio island.
Nagpaalala ang PAGASA sa mga residente na maging alerto sa pagkakaroon ng storm surge na posibleng umabot sa dalawang metro ang taas. Pinag-iingat din ang publiko sa pagbaha at pagguho ng lupa.
Sa nalalabing bahagi ng Luzon at Western Visayas na naapektuhan ng Habagat ay makakaranas ng pag-ulan kasama ang Metro Manila.
Nakataas pa rin ang gale warning kaya pinaalalahanan ang mga maliliit na sasakyang pandagat na huwag munang pumalaot, habang ang mga malalaking sasakyang pandagat ay pinag-iingat sa malaking alon.
Inaasahang lalabas si Luis sa Philippine Area of Responsibility Lunes ng hapon dahil sa pagbilis ng kilos nito.
Martes na inaasahang magkakaroon ng maaliwalas na panahon pero maaring magkaroon ng pag-ulan dahil sa Habagat.
- Latest