Briefing sa BBL kasado na sa Senado
MANILA, Philippines - Upang higit na maunawaan ng mga senador ang nilalaman ng Bangsamoro Basic Law (BBL), ikinasa ni Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang pagsasagawa ng briefing ng mga “peacemakers”na bumuo ng nasabing kasunduan.
Ayon kay Marcos, chairman Senate Committee on Local Government,?ang briefing ay gagawin sa September 23.
Sinabi ni Marcos na mahalagang maipaliwanag ng magkabilang panig ang layunin at nilalaman ng BBL.
Mas lalo aniyang mauunawaan ng mga senador kung ano ang mga posibleng kumplikado sa kasunduan na maaaring ayusin ng mataas na kapulungan ng kongreso bago ito tuluyang maging ganap na batas.
Kabilang sa mga dadalo sa briefing sina Miriam Coronel-Ferrer, chief government negotiator; Mohaguer Iqbal, chairman, Bangsamoro Transition Commission; Sec. Teresita Quintos-Deles, Presidential Adviser on the Peace Process; Ghazali Jaafar, Moro Islamic Liberation Front vice chairman for political affairs; Atty. Mike Mastura, chairman, Advocacy Committee of MILF Negotiating Panel; at Supreme Court Associate Justice Marvic Leonen.
Noong Miyerkules isinumite na ng Malacañang ang BBL sa Kongreso sa pangunguna ni Pangulong Aquino kung saan dumalo si Marcos sa naturang seremonya kasama sina Senate President Franklin Drilon, House Speaker Feliciano Belmonte at mga mambabatas mula sa dalawang kapulungan ng kongreso.
Tinitiyak naman ni Marcos na kanyang pakikinggan ang magkabilang panig na tutol at pabor sa BBL upang matiyak na plantsado at mapapakinabangan ng mga residente sa Mindanao para sa pangmatagalang kapayapaan at progreso sa rehiyon.
- Latest