Kontratista na nakulong sa elevator, umamin
MANILA, Philippines - Inamin kahapon ng isang kontratista na sadya siyang ikinulong sa elevator ng Makati City Hall noong 2007 para hindi makasali sa nilutong bidding para sa fire-fighting at rescue equipment.
Pero sinabi ni Marcial Lichauco, Jr., presidente ng 911 Alarm, sa kanyang testimonya na wala umanong ginawa si Vice Pres. Jejomar Binay para ipatigil ang nilutong bidding kahit na ipinaalam niya sa nasabing opisyal ang anomalyang nangyari.
Sa pagharap niya sa Senado, pinatotohanan ni Lichauco ang naunang testimonya ni Engr. Mario Hechanova na sadya siyang ikinulong sa elevator ng Makati City Hall para hindi umabot sa itinakdang oras ng bidding para sa fire-fighting at rescue equipment noong Mayo 15, 2007.
Sa testimonya ni Hechanova, dating vice chairman ng Makati Bid and Awards Committee (BAC), sinabi niya na sinadya ang pagkulong kay Lichauco dahil may kontraktor nang napili ang pamilya Binay para sa nasabing proyekto.
“Yung bibili ng bidding documents, ikinulong namin sa elevator kaya na-late nang 20 minuto sa actual bidding. Kung nakikinig siya (bidder) ngayon, humihingi ako ng pang-unawa dahil sundalo lang ako,” ani Hechanova.
Sinabi ni Lichauco na siya ang taong tinutukoy ni Hechanova at nagpasya siyang lumutang sa Senado para sabihin ang kanyang nalalaman sa nasabing insidente.
Sa salaysay ni Lichauco, dumating siya kasama ang Head of Sales ng kanilang kumpanya sa Makati City Hall bandang 12:53 p.m. para sumali sa bidding na itinakda bandang 2 p.m. noong Mayo 15, 2007.
Sumakay sila sa Elevator B ng City Hall dahil dalawa lamang sa anim na elevator ang gumagana nang oras na iyon. Natakot umano sila dahil biglang tumigil ang elevator at nakulong sila sa loob ng isang oras.
Matapos silang mailabas, itinakbo pa umano sa clinic ang kanyang ka-opisina dahil hirap itong huminga.
Sanhi ng pagkakakulong sa elevator, dumating sina Lichauco sa bidding office bandang 2:02 p.m. at hindi na pinasali sa proseso dahil lampas na sila sa itinakdang oras.
Sinabi ni Lichauco na sumulat siya kay VP Binay na noo’y Mayor ng Makati at sa City Administrator para ireklamo ang nangyaring insidente pero hindi umaksyon ang nasabing mga opisyal sa kanyang reklamo.
- Latest