Binay nagpasalamat sa suporta sa hindi naniniwala sa intriga
MANILA, Philippines – Ipinahiwatig ni Vice President Jejomar Binay na patuloy lang siyang nagtatrabaho at hindi natitinag sa mga kontrobersiyang ipinupukol sa kanya ng mga kalaban sa pulitika.
Nagpasalamat din si Binay sa pagsuporta at pagpapalakas sa kanyang loob ng mga ordinaryong mamamayan sa kabila ng mga isinasagawang imbestigasyon ng mga kalaban niya sa Senado na udyok ng pulitika.
“May mga nagsasabi sa akin, ‘naku Vice, huwag kang mawalan ng loob, alam naman naming paninira lang ang kanilang ginagawa sa iyo. Siguro dala-dala lang ito ng mga survey na laging kayo ang nangunguna, at dahil sa pagkakahayag n’yo na kayo ay kakandidato sa halalan sa 2016 bilang pangulo,” paggunita ni Binay sa pakikipag-usap niya sa mga mamamayan ng Mindanao na binisita niya noong nakaraang linggo.
Binanggit ng Bise Presidente na, kahit iniintriga siya ng mga kalaban niya sa pulitika sa pamamagitan ng mga walang basihang akusasyon, nananatili siyang matatag at patuloy sa kanyang pagtatrabaho.
“Alam po ninyo, nagkakamali po sila sa isang pag-aakala. Na dahil doon sa bintang na wala namang batayan, mga kasinungalingang pinagsasabi, ay hindi naman po ako nadi-distract. Tuloy po ako sa dapat kong trabahuhin,” wika ni Binay.
Bilang Presidential Adviser on Overseas Filipino Workers’ (OFW) Concerns, dinalaw kamakailan ni Binay ang burol ng isang OFW na pinugutan sa Libya.
Nagtatrabaho sa isang construction company sa Libya si Antonio Espares, 49, nang dukutin umano ng mga Libyan militia at pugutan.
“Sa kasamaang palad po, may dinaanan silang checkpoint. ‘Yong dalawang kasama niya ay pinakawalan, pero siya po ay dinetain at nalaman na lang po na siya ay napugutan. Nagawan naman po natin ng paraan para mapabalik ang kanyang katawan,” kuwento ni Binay.
Noon ding nakaraang linggo, habang nasa Bukidnon si Binay, binisita at kinausap niya ang mga magulang ng isang OFW na ginahasa umano sa Gitnang Silangan. Tiniyak niya na pagkakalooban ang mga ito ng tulong ng pamahalaan.
Habang isinasagawa ng mga senador ang ocular inspection sa kontrobersiyal na Building 2 ng Makati City Hall noong Lunes ng nakaraang linggo, pinangungunahan naman ni Binay ang inagurasyon ng isang pabahay para sa mga residente ng Cagayan de Oro na sinalanta ng bagyong Sendong may dalawang taon na ang nakakaraan.
Si Binay na tagapangulo rin ng Housing and Urban Development Coordinating Council ay bumisita sa Cagayan de Oro para pamunuan ang inagurasyon ng National Housing Authority-Cagayan de Oro Bayanihan Village Phase I Project sa Sitio Macapaya, Brgy. Camaman-an.
Habang nasa Cagayan de Oro, nagkaloob din ang Bise Presidente ng benepisyong pera sa 20 pamilya ng mga sundalong napatay sa pakikipaglaban.
“Ako din po ay chairman ng Alay Sa Kawal Foundation. Ito po ay pagtulong natin sa mga pamilya ng enlisted men. Kinikilala po natin ang kanilang sakripisyo kaya naman tinayo itong foundation na ito para tumulong sa pamilya ng nasawi at nasaktan. Ito po ‘yong mga tinatawag nila na killed in action at wounded in action,” sabi pa niya.
- Latest