P70k bonus pababa ‘no tax’ na
MANILA, Philippines - Aprubado na sa House Ways and Means Committee ang mas mataas na ceiling ng bonus na libre sa buwis.
Sinabi ni Marikina Rep.Miro Quimbo, chairman ng komite, inaprubahan nila ang P70,000 ceiling ng bonus na libre sa buwis mula sa kasalukuyang P30,000.
Paliwanag ni Quimbo, napapanahon na ito dahil hindi na nagbago pa ang bonus ceiling na tax free mula noong 1994.
Base sa pagtaya, aabutin ng P1.5 bilyon ang mawawalang kita sa gobyerno dahil dito subalit mababawi naman ito ng Value Added Tax (VAT) na kikitain ng pamahalaan dahil mas maraming bibilhin ang publiko.
Bukod dito, makakabawi rin umano ang gobyerno sa corporate tax dahil kikita ang mga kumpanya sa dagdag produktong mabibili ng publiko bunga ng mas malaking take home na bonus.
Kahit pa umano ideposito lamang ang mas malaking bonus ay mayroon pa rin naman itong buwis kaya tiyak pa rin umano ang kita ng gobyerno.
Tiwala naman si Quimbo na maisasalang na sa plenaryo ang nasabing panukala sa susunod na tatlong linggo para sa second reading at tuluyang maipasa hanggang Disyembre upang maipatupad na sa susunod na linggo.
- Latest