Suspension order ni Jinggoy inilabas na ng Sandiganbayan
MANILA, Philippines - Ipinadala na ng Sandiganbayan sa Senado ngayong Martes ang suspension order ni Senador Jinggoy Estrada para sa kasong plunder at graft kaugnay ng pork barrel scam.
Sinabi ni 5th division clerk Atty. Ma. Teresa Pabulayan na darating anumang oras ngayong araw sa Senado ang kautusan.
Dagdag niya na dapat ay kasabay ito ng para kay Senador Juan Ponce Enrile kahapon ngunit nagkasakit ang magdadala nito.
Kaugnay na balita: Enrile suspendido na sa Senado, Jinggoy isusunod
"Dapat nga sabay 'yung suspension order ni Senator (Juan Ponce) at Senator (Jinggoy) Estrada pero nagkaproblema dahit nagkasakit yung magdadala ng order," wika ni Pabulayan.
Ipinatupad ng Senado kahapon ang kautusan ng anti-graft court matapos ibasura ng 3rd division ang kanilang apela.
"I have no recourse but to implement this, as we received the order of the Sandiganbayan denying the motion for reconsideration of Senator Enrile. The suspension will be effective today, and the suspension will be automatically lifted after 90 days,” pahayag ni Senate President Franklin Drilon.
Samantala, wala pa namang desisyon ang korte sa suspensyon ng isa pang akusadong si Senador Bong Revilla Jr.
Pare-pareho ng kasong kinakaharap ang tatlong senador matapos masangkot sa P10 bilyon pork barrel scam.
- Latest