UNA sa LP: ‘Wag nang humirit sa term extension
MANILA, Philippines - Nagpahayag ng kumpiyansa si United Nationalist Alliance Secretary-General Toby Tiangco na hihinto na ang makaadministrasyong Liberal Party sa kapapangarap nitong maamyendahan ang Konstitusyon.
Ito ang ipinahayag ni Tiangco kaugnay ng personal na pahayag ni Pangulong Aquino na hindi nito nais magpatagal sa panunungkulan sa Malacañang.
Dapat anyang sundan ng LP ang senyales mula sa deklarasyon ni Aquino at itigil na ang plano ng partido na masusugan ang 1987 Constitution.
“Ngayong nagsalita na ang presidente, dapat nang umatras ang mga panatiko ni (Interior Secretary Mar) Roxas sa LP at hayaan ang Pangulo na makatikim ng masarap na pagkain at sariwang hangin,” sabi pa ni Tiangco.
Wala anyang interes si Aquino na masusugan ang Saligang Batas sa ilalim ng administrasyon nito kaya dapat tumigil na ang LP sa paghahangad nito sa term extension.
Bagaman nagsalita na ang Presidente na bababa ito sa tungkulin pagkatapos ng 2016, takda namang magpulong ang mga miyembro ng LP na kabilang sa Roxas-Abad faction para talakayin ang Cha-Cha (Charter Change).
“Kung ipupursige nila ang political Cha-Cha, lokohan na talaga ito at walang pinag-iba noong panahon ni GMA,” sabi pa ng opisyal ng UNA.
Sinabi pa ni Tiangco na, dahil hinihintay na ni Aquino ang pagreretiro nito, dapat nang tumigil sina Roxas at Abad sa pagbibigay sa Pangulo ng nakakatawang mga payo para manatili sa kapangyarihan pagkatapos ng 2016.
- Latest