VP Binay pumalag na!
MANILA, Philippines - Pumalag na kahapon si Vice President Jejomar Binay sa paratang na nagkamal siya ng malaking halaga ng salapi bilang kickback umano sa kontrobersyal na pagtatayo ng “overpriced” na Makati Building 2.
Ayon kay Binay, handa siyang humarap sa anumang patas at walang kinikilingang imbestigasyon pero ang mga palakad umano sa nagdaang dalawang hearing ng Senate Blue Ribbon subcommittee tungkol sa isyu ay nagpapatunay na ito ay isang “politicized forum kung saan hinahanapan sila (mga Binay) ng criminal liability at hindi in aid of legislation.
Nanindigan si Binay na wala siyang tinanggap na anumang kickback sa nasabing proyekto.
“Testimonya ng isang umamin na siya ay nangurakot at yung isa naman ay umamin na siya ay nagsinungaling at nanghula lamang. Iyan ang klase ng mga testigong inihaharap nila sa taumbayan at ginagamit nila para siraan ako at ang aking pamilya,” ani Binay.
Sinabi ni Binay na hindi na siya nagtataka kung sa mga susunod na araw ay maglalabas ng logbook, ledger, tseke at kung anu-anong dokumento upang idiin sa umano’y anomalya.
Hindi na rin umano siya magtataka kung biglang may magpapa-“ambush me” at siya ang ituturong may kagagawan.
Ikinalungkot din ni Binay na habang hinahayaang magsinungaling sa Senado ang mga testigong ito, minamaliit at binabalewala ang mga testimonya at dokumentong gaya ng listahan ng mga materyales kasama ang mga presyo nito na patunay na walang “overpricing”.
Ayon kay Binay, sa loob ng 6 taon ay 10 beses dumaan sa Commission on Audit ang nasabing proyekto at walang nakitang anomalya rito.
“Ngunit sa mga pagdinig, dinuro at ininsulto ng ilang mga senador ang mga opisyal at kawani ng COA na nagbigay ng makatotohanang testimonya batay sa mga resulta ng mga aksyong iniutos ng kanilang punong tanggapan.,” aniya.
Tinangka rin daw pigilan ni Sen. Antonio Trillanes ang testimonya ng isa sa mga kontratista ng proyekto na hindi umano pabor sa gustong direksyon ng pagdinig. Tinakot din umano ang kontratista na isasama sa mga ihahabla ng plunder.
“Ano ba ang ikinakatakot ni Trillanes? Na sabihin ng kinatawan ng kontratista na hindi overpriced ang proyekto? Na may iba pang proyekto sila sa pamahalaan na mas mahal pa sa Building 2 ng Makati? Na may mga proyektong hinati din sa “phases” at kasama dito ang ilang kaalyado niya?,” ani Binay.
Iginiit ng Bise Presidente na hanggang ngayon, walang maipakitang kongkretong ebidensya na overpriced ang nasabing building.
Ipinahayag pa ni Binay na sinisiraan siya dahil sa nalalapit na pagsimula ng survey, at upang maapektuhan ng mga paninira ang suporta sa kanya ng taumbayan.
Binanatan din ni Binay ang mga Senador na tila nagkakanlong sa mga umamin na nagkasala.
“Imbes na panagutin sa kanilang mga kasalanan na inamin nila under oath, gusto pa ng ibang senador na gawing State Witness laban sa akin,” aniya.
- Latest