Pagsu-supply ng cake itinanggi ni Sen. Nancy
MANILA, Philippines - Mariing itinanggi kahapon ni Sen. Nancy Binay ang akusasyon ni dating Vice Mayor Ernesto Mercado na siya ang nag-supervise ng pamimigay ng cakes sa mga senior citizens ng Makati tuwing sumasapit ang kanilang kaarawan.
Tinawag ni Binay na malisyoso ang pahayag ni Mercado at hindi aniya totoong nagkaroon siya ng economic at financial interes sa pagsu-suplay ng cakes noong hindi pa siya senador.
Humarap kahapon si Mercado sa hearing ng Senate Blue Ribbon subcommittee tungkol sa sinasabing overpriced na parking building sa nasabing lungsod kung saan naungkat rin ang cakes na ipinamimigay sa mga senior citizens.
Ayon kay Binay, hindi siya kailanman lumabag sa “rules on conflict” interest lalo na sa mga negosyong may kinalaman ang Makati City government at maging national government.
Idinagdag ni Binay na wala siyang bakeshop at hindi rin siya nag-supply ng cake sa city hall.
“Pinagkatiwalaan ng aking ama si dating Vice Mayor Mercado. Tinrato siya na parang kapatid. Ang sinukli ni Mr. Mercado ay ang abusuhin ang tiwala ng aking ama. Umamin siya na nakinabang sa City Hall Bldg. 2, at pilit niyang idinadamay ang aking ama. Madaling magdamay ng ibang tao at manira ng pangalan,” sabi ni Binay.
Hindi rin nagustuhan ni Binay ang pahiwatig ni Mercado na may magtatangka sa kaniyang buhay dahil sa ginawang pagharap sa Senado.
Ani Binay hindi mamamatay tao ang kanilang pamilya.
“We can see here na ako na po ang next family member on their demolition list,” sabi ni Binay.
- Latest