‘Overprice’ hinulaan lang
MANILA, Philippines - Ito ang naging pag-amin kahapon sa Senado ni Atty. Renato Bondal patungkol sa umano’y “overprice” ng mga proyekto sa Makati City kasama na ang presyo ng mga birthday cake sa mga senior citizens ng lungsod.
Si Bondal ang nasa likod ng pagsasampa sa Ombudsman ng kasong plunder laban kay Vice President Jejomar Binay at sa pamilya nito.
Sa pagtatanong ni Sen. Tito Sotto, inamin ni Bondal na “hinulaan” lang niya ang presyong P1,000 bawat cake na inireregalo ng lokal na pamahalaan ng Makati sa mga senior citizens nito sa kanilang kaarawan.
Nauna rito, nilinaw ni Makati City Administrator Atty. Eleno Mendoza na masyadong malayo sa presyong isang libo ang mga cake batay na rin sa mga dokumento. Lumabas na mula P179.50 bawat isa noong 2010, umabot lang ito sa P306.50 bawat isa sa kasalukuyan.
Sa kabila naman ng pagbabanta ni Sen. Antonio Trillanes, na siyang nasa likod ng imbestigasyon ng Senado sa mga bintang laban sa mga Binay, hindi natinag si Engr. Robert Henson, pangulo ng Hilmarcs Construction, sa pagsasabing “above board” at walang overprice sa presyo ng Makati Car Park building.
Una nang nagbanta si Trillanes na dapat umanong isama si Henson sa kasong plunder ng mga Binay sa Ombudsman matapos ipilit nang huli na walang nangyaring overprice sa pagtatayo ng nasabing gusali.
Pinigil din ng kapartido ni Trillanes sa Nacionalista Party (NP) na si Sen. Alan Peter Cayetano si Henson na patunayan ang kanyang testimonya sa pagsasabing “gahol na sa oras ang komite at bumalik na lang siya sa susunod na pagdinig.
Naging markado rin ang buong komite ng Senado sa kabuuan ng pagdinig sa pangunguna nina Cayetano, Trillanes at Sen. Koko Pimentel kung saan ginawa ring “resource persons” ang umano’y mga “eksperto” mula sa United Architects of the Philippines, Philippine Institute of Architects at Philippine Institute of Civil Engineers upang maidiin ang aspeto ng “overprice” sa pagtatayo ng kontrobersiyal na gusali.
Sa kabila nito, naging matigas naman sa kanilang paninindigan ang mga miyembro ng Commission on Audit (COA) technical audit team na walang anomalya sa nasabing proyekto batay na rin sa kanilang naging pagbusisi dito.
“Wala kaming nakitang anomalya,” diin pa ni Engr. Roldan Menciano ng COA na sinusugan naman ni Engr. Flora M. Ruiz.
Ang testimonya ng COA audit team ay ibinigay nila sa harap ni COA chairperson Grace Pulido Tan.
Ayon pa kay Tan, muli siyang magbubuo ng bagong audit team upang pagbigyan ang kagustuhan ng mga senador na muling busisiin ang nasabing proyekto.
- Latest