Listahan ng gov’t employees na nakatoka sa ‘pork’ ng solons inilantad
MANILA, Philippines - Ibinunyag ni ACT Teachers Rep. Antonio Tinio ang listahan ng mga empleyado ng tatlong pambansang ahensiya ng pamahalaan na naatasang magsaayos ng mga funding request ng mga miyembro ng House of Representatives para sa mga scholarships, medical assistance, at emergency employment.
Sinabi ni Tinio na ipinamigay sa mga miyembro ng Kongreso noong Abril 22, 2014 ang listahan ng tinatawag na ‘focal persons’ na binubuo umano ng mga empleyado ng Commission on Higher Education, Department of Health, at Department of Labor and Employment.
Isa anya itong pruweba na palihim at iligal na namamahagi si Pangulong Aquino ng ‘pork’ sa mga mambabatas kahit idineklara na ng Supreme Court na labag sa Konstitusyon ang Priority Development Assistance Fund at Development Acceleration Program.
Ayon kay Tinio, may P20.7 bilyon mula sa dating tinatawag na PDAF sa ilalim ng 2014 General Appropriations Act ang ini-realigned sa anim na ahensiya ng pamahalaan. Sa pondong ito, nakakuha ang CHED ng P4.1 billion para sa scholarship program nito; ang DOH ay P3 billion para sa medical assistance sa indigent patients habang ang DOLE ay P1 billion para sa emergency employment programs nito na tinatawag na TUPAD at GIP. Sa Department of Social Welfare ay P4 billion para sa Crisis Intervention Program nito habang ang TESDA ay P1 billion para sa skills training program.
Ang listahang ipinalabas ni Tinio ay naglalaman ng mga pangalan at contact number ng mga tauhan ng pamahalaan na itinalagang mag-asikaso sa funding requests ng mga kongresista. Ang listahan ay isa sa mga ebidensiyang kasama sa fourth impeachment complaint na isinampa ni Tinio laban kay Aquino noong Agosto 11 kasam ang 15 iba pang complainant na kinabibilangan ni National Artist Bienvenido Lumbera at mga lider ng Alliance of Concerned Teachers.
- Latest