Armadong babae kinasuhan na: Mas mahigpit na seguridad sa Palasyo
MANILA, Philippines - Matapos magtangkang pumasok sa loob ng compound ng New Executive Building ang isang babaeng may dalang kalibre .45 baril noong Biyernes ng hapon, mas mahigpit na seguridad ang inaasahang ipatutupad ng Presidential Security Group (PSG) na nagbabantay kay Pangulong Aquino at sa loob at labas ng Palasyo.
Nabatid na kinasuhan na kahapon ang suspek na si Flora Pineda, 36 anyos, ng kasong paglabag sa Republic Act 10591 o illegal possession of firearms and ammunition.
Ayon kay Deputy Presidential spokesperson Abigail Valte, bagaman at mahigpit na ang seguridad sa lahat ng panig ng Malacañang kaya hindi nakapasok sa New Executive Building (NEB) si Pineda, mas gagawin pa ng PSG ang kanilang trabaho.
Tiniyak rin ni Valte na hindi gagamitin ng Malacañang ang tangkang pagpasok ng babaeng may baril sa NEB upang ilihis ang isyu ng Chacha at bigyang katuwiran ang “No El” o no elections para sa 2016.
Tiniyak rin ni Valte na wala namang banta sa buhay ng Pangulo o kahit na kaninong nagta-trabaho sa NEB.
Nakapasok sa Palace grounds si Pineda sa pamamagitan ng Arias Gate kung saan pumapasok ang mga nagpupunta ng NEB. Naroon ang tanggapan ng Presidential Communications Operations Office (PCOO), Presidential Communications Development and Strategic Planning Office (PCDSPO), ng tagapagsalita ng Pangulo at ng mga nagko-cover sa Palasyo.
Sinabi naman ni Pineda na wala siyang intensyon na manakit.
Nais lang umano niyang pababain sa pwesto si Pangulong Aquino dahil sa patuloy na paglala ng kahirapan sa bansa.
- Latest