Maiigsing damit, mababang ‘neckline’ sa mga kabataan ipagbabawal sa Valenzuela
MANILA, Philippines - Posibleng maipagbawal sa lahat ng pampublikong pagtatanghal ang pagsusuot ng mga menor-de-edad ng maiigsing mga kasuotan at may mabababang “necklines” sa oras na maipasa ang panukalang ordinansa na isinampa sa Sangguniang Panglungsod ng Valenzuela.
Sa panukalang ordinansa ni District 1 Councilor Cora Cortez, “An Ordinance Regulating the Participation of Children in Public Shows, Contests, Performances, Entertainment, Activities and the Likes,” nais umano niya na matrato ng may respeto ang mga kabataan sa tuwing magkakaroon ng mga pampublikong pagtatanghal sa lungsod.
Bukod sa mga “costume” ng mga gumaganap sa pagtatanghal, saklaw din ng panukala ang iskedyul, nilalaman ng mga awitin, at estilo ng sayaw na gagawin ng mga bata.
Kabilang naman sa mga pampublikong pagtatanghal na sakop ng panukala ang mga “beauty pageants, dance contests, singing at dance competitions” sa mga piyesta. Hindi naman sakop sa ordinansa ang mga patimpalak o programa na inorganisa ng mga paaralan at mga grupong relihiyoso.
Pinagbasehan ni Cortez sa kanyang ordinansa ang ulat na may mga bata na pinipilit na magsuot ng mga “costume” na hindi angkop sa kanilang edad, pinakakanta ng mga awiting may hindi magandang liriko, pinapagawa ng mga “stage acts” na malalaswa, napagtatawanan ng mga matatanda at pinipilit na sumayaw ng may delikadong “stunts”.
Kailangan umano muna na kumuha ang organizers ng mga palabas ng barangay permit at “consent” buhat sa mga magulang ng mga bata na isasali. Kailangan ding maipaliwanag muna sa bata at magulang ang uri ng palabas na kanilang isasagawa.
Ipinagbabawal naman na isali ang mga kabataan na may edad 18-anyos pababa sa mga palabas mula alas-9:30 ng gabi hanggang alas-5 ng madaling araw.
Sa oras na maipasa ang panukala, maaaring patawan ang mga lalabag ng multa mula P1,000 hanggang P5,000 at pagkakulong ng hanggang anim na buwan.
- Latest