17 probinsiya may taniman pa ng marijuana
MANILA, Philippines - Umaabot pa sa 17 probinsiya sa Pilipinas ay may tanim na Marijuana, ayon kay Senator Vicente “Tito” Sotto na naunang umamin na nakagamit ng nasabing ipinagbabawal na halaman noong huling bahagi ng 1960s kung saan miyembro pa siya ng isang banda.
Ayon kay Sotto, ang orihinal na bilang ng mga probinsiya na may taniman ng Marijuana ay 48 pero bumaba ito sa 17 nang maging tagapangulo siya dati ng Dangerous Drugs Board. Pero mahirap anyang tukuyin ang eksaktong lokasyon ng Marijuana plantations sa bansa dahil tumutubo ito kahit sa ilalim ng mga matataas na punong kahoy na mahirap ma-detect ng satellite locator.
Matatandaan na nagbigay ng privilege speech si Sotto kamakailan kung saan nagbabala siya sa ginagawang pangloloko ng ilan na nagsusulong na gawing legal ang paggamit ng marijuana sa bansa. Partikular na tinukoy nito ang diumano’y pinapalabas sa isang website na sinusuportahan ng Catholic Bishop Conference of the Philippines (CBCP) ang legalisasyon ng Marijuana sa Pilipinas.
Naniniwala si Sotto na dapat kumbinsihin pa ng gobyerno na mag-shift sa pagtatanim ng ibang uri ng halaman ang mga may Marijuana plantation sa bansa lalo pa’t hindi naman ito legal.
Nangako rin si Sotto kay Legarda na ibibigay nito sa Senadora ang listahan ng 17 probinsiya na mayroon pang taniman ng Marijuana. Karamihan umano sa mga nasabing lugar ay nasa mga bulubundukin at mahirap puntahan.
- Latest