Sotto umaming nag-marijuana
MANILA, Philippines - Inamin kahapon ni Senator Vicente “Tito” Sotto na nakagamit siya ng marijuana noong hindi pa siya senador kaya alam niya ang masamang epekto nito.
Nagtalumpati kahapon si Sotto upang kontrahin ang panukala na gawing legal ang paggamit ng marijuana bilang gamot.
Matapos ang talumpati ni Sotto isinailalim ito sa interpelasyon ni Sen. Loren Legarda kung saan tinanong niya ang senador kung naranasan niyang makagamit ng marijuana. Sumagot si Sotto ng “I did, Mr. President,” kay Legarda.
Sa panayam, nilinaw ni Sotto na isang beses lamang siyang gumamit ng marijuana dahil hindi naging maganda ang epekto sa kanya na nagkaroon siya na halusinasyon.
Ikinuwento pa ni Sotto na naging miyembro siya ng isang banda noong huling bahagi ng 1960s at na-engganyo lamang silang sumubok dahil nauso noon ang marijuana. Ang isa umanong miyembro ng kanilang banda ay naging adik sa marijuana at nagpakamatay samantalang ang isa naman ay namatay rin dahil na-overdose sa heroin.
Sa talumpati ni Sotto inisa-isa nito ang masamang epekto ng marijuana katulad ng memory loss, brain development problems, depression, schizophrenia at mental illness.
Nagdudulot rin aniya ito ng respiratory problems, distorted perception, hallucinations, delusions, bad temper at violence at problema sa pagtulog.
- Latest