NFA chief kinasuhan ng P15M extortion, nagbitiw
MANILA, Philippines - Nagsumite ng kanyang courtesy resignation si National Food Authority (NFA) Administrator Arthur Juan matapos itong kasuhan ng pangingikil umano ng P15 milyon.
Si Juan ay inireklamo ng isang Jojo Soliman, may-ari ng isang warehouse na kinakitaan ng mga NFA rice na nirerepack para ibenta bilang commercial rice.
Sinabi ni Soliman na nangikil sa kanya si Juan ng naturang halaga kapalit ng pag-aatras ng kaso kaugnay ng naganap na repacking ng NFA rice.
Sa sworn statement nito sa NBI ay sinasabing ang P15 million ay paghahatian umano nina Juan, DILG Sec. Mar Roxas at Food Security and Agriculture Modernization Sec. Kiko Pangilinan.
Itinanggi naman ni Juan ang akusasyon ni Soliman at nagsabing siya ay nagbitiw sa kanyang puwesto para bigyang daan ang imbestigasyon laban sa kanya.
Pinabulaanan din ni Roxas ang alegasyon ni Soliman at sinabing hindi niya personal na kilala ang rice trader at walang katotohanan ang malisyoso at mapanirang paratang nito.
Nilinaw naman ni Pangilinan na hindi niya tinanggap ang pagbibitiw sa puwesto ni Juan.
Anya, kailangang munang matapos ang imbestigasyon ng NBI hinggil sa usapin bago siya gumawa ng desisyon hinggil sa pagpapaalis sa posisyon ni Juan. (Angie dela Cruz/Joy Cantos/Rudy Andal)
- Latest