Port congestion inimbestigahan na ng Senado
MANILA, Philippines - Inimbestigahan na kahapon ng Senado ang problema sa pork congestions sa Maynila kung saan iginiit ni Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Gregory Domingo na kinakailangan ng magtayo ng bagong port bilang solusyon sa problema.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Commerce and Entrepreneurship, iginiit ni Domingo na isang long term solution ang pagtatayo ng bagong port na makakatulong din aniya sa paglago ng ekonomiya.
Inamin rin ni Domingo na sobra na sa kapasidad ng Manila ports ang bilang ng containers na dumarating at umaalis sa bansa.
Inihayag ni Domingo na ang isa pang solusyon sa problema ay ang pagbuhay sa rail line mula Tutuban malapit sa North Harbor hanggang Calamba, Laguna.
Maari rin aniyang gamitin ang Subic at Batangas ports bagaman at hindi ito maituturing na pangmatagalang solusyon.
Inihayag naman ni Manila Vice Mayor Isko Moreno ang pagbubukas ng Quirino Ave. para sa mga 20-foot equivalent units (TEUs) mula sa North at South harbor patungong South Luzon Expressway (SLEX). Ang pagbubukas muli ng nasabing linya ay magsisimula sa susunod na linggo.
Pero tiniyak ni Moreno na ipatutupad pa rin ang truck ban sa ibang lugar na hindi sakop ng mga dapat daanan ng mga trucks katulad ng San Marcelino road mula 6 -10 ng umaga at alas-5 ng hapon at mula 5-9 ng gabi.
- Latest