Tinio ipinagtanggol sa anti-wiretapping
MANILA, Philippines - Hindi maaring sampahan ng kasong paglabag sa Anti-wiretapping law si Alliance of Concerned Teachers (ACT) partylist Rep. Antonio Tinio dahil sa paggamit ng grupo nito ng ebidensiya ng recording ng executive session sa ika-apat na impeachment complaint laban kay Pangulong Aquino.
Sinabi ni Bayan Muna Rep. Neri Colmenares, na walang basehan ang babala ng mayorya ng mga kongresista na pwedeng kasuhan sa House Ethics committee ang kanilang kasamahan sa Makabayan bloc na si Tinio.
Paliwanag pa ni Colmenares, ang anti-wiretapping ay para lamang umano sa private conversation at hindi ito akma sa proseso sa Kamara dahil sila naman ay mga opisyal ng gobyerno.
Bukod dito hindi umano maituturing na executive session ang dayalogo ng mga kongresista kay DOH Undersecretary Janet Garin at CHED Chairperson Patricia Licuanan.
Malinaw umano sa rules na ang executive session ay para lamang sa mga isyu na pang national security na hindi maaaring ilabas sa publiko.
Giit pa ni Colmenares, na hindi pwedeng gamitin ng liderato ng Kamara ang proseso ng executive session para pagtakpan ang krimen ng pagkakaroon pa rin ng hidden pork sa mga mambabatas.
- Latest