Binay walang puwang sa LP
MANILA, Philippines - Ipinahiwatig kahapon ni Senate President Franklin Drilon na walang puwang sa Liberal Party si Vice President Jejomar Binay na napaulat na posibleng maging guest candidate ng partido sa 2016.
Nang tanungin si Drilon kung may puwang si Binay sa LP, makahulugang sinabi ng senador na “next topic”.
Ayon kay Drilon nananatili pa rin si DILG Secretary Mar Roxas na pambato ng LP sa 2016 sa sandaling mag-desisyon na itong kumandidatong presidente.
Wala rin aniyang pinag-uusapan ang partido tungkol sa pagko-konsidera kay Binay na gawing adopted presidential bet ng LP sa 2016.
Itinanggi rin ng mga kongresistang miyembro ng LP na si Binay ang kanilang kandidato.
Giit ni Iloilo Rep. Niel Tupas, walang imposible sa larangan ng pulitika subalit naninindigan ang LP na sa hanay nito kukuha ng ilalaban sa Presidential elections.
Sinabi rin ni Caloocan Rep. Egay Erice na walang puwang sa LP si Binay dahil hindi ito kwalipikado sa kanilang partido sa dami ng kasong katiwalian.
Sa isang panayam sinabi ni Binay na may mga impormasyon siyang natanggap na ikinokonsidera siya ng LP na gawing guest candidate o posibleng magsanib ang LP at United Nationalist Alliance (UNA) ng oposisyon.
Sinabi naman ni Sen.Alan Peter Cayetano na lilihis si Pangulong Aquino sa kampanya nila laban sa katiwalian kapag nakipagsanib puwersa ito sa partido ni Binay.
- Latest