Trillanes ‘di sisitahin ni PNoy sa kudeta
MANILA, Philippines - Hindi sisitahin ni Pangulong Aquino si Sen. Antonio Trillanes sa pagiging ‘alarmist’ nito ng sabihing may ilang retired general na nagbabalak ng kudeta laban sa gobyernong Aquino.
Ayon kay Presidential spokesman Edwin Lacierda, karapatan ni Sen. Trillanes na magsalita at isapubliko ang kanyang nalalaman sa tangkang kudeta laban kay Pangulong Aquino.
Pero lumitaw na negatibo o nakuryente lamang si Trillanes dahil maging ang liderato ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ay itinangging mayroong recruitment na nagaganap sa hanay ng AFP.
Ibinunyag ni Trillanes na ilang retired generals na may kaugnayan sa nakaraang administrasyon ang umano’y nangangalap ng mga miyembrong sundalo upang maglunsad daw ng kudeta laban kay PNoy.
Hind naaalarma ang Palasyo sa bantang kudeta dahil nilinaw na ni AFP spokesperson Ramon Zagala na walang movement sa hanay ng mga aktibong sundalo.
Ayon kay Sec. Lacierda, palagi naman daw nabibigyan ng intelligence reports si Pangulong Aquino ni National Security Adviser Cesar Garcia at base sa assessment nila ay wala namang banta ng pag-aaklas ng military.
Nauna rito, sinabi ni Sec. Garcia na walang credible report hinggil sa kudeta at hindi niya maisip na magagawa ito ng mga retired generals.
- Latest