Kilos protesta kasado sa SONA
MANILA, Philippines - Kaliwa’t kanang protesta ang isasalubong ng mga raliyista sa ika-5 State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Noynoy Aquino ngayong hapon.
Una nang nagbabala ang National Capital Regional Police Office (NCRPO) na aarestuhin at kakasuhan ang mga manggugulong raliyista.
“Ang mga mamamayan naman po ay merong karapatang magpahayag ng kanilang saloobin sa ano mang isyung kinakaharap nila at bahagi po ito ng demokratikong proseso. Ang panawagan lang namin ay panatilihing maayos at maging masunurin sila sa batas sa kanilang pamamahayag,” pahayag ni Communications Sec. Sonny Coloma.
Tiniyak naman ng Palasyo na paiiralin ng kapulisan ang maximum tolerance sa ikinasang mga protesta.
Nabatid na pangungunahan ng libu-libong manggagawa mula sa grupong Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP), Sanlakas, Partido Lakas ng Masa at Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod ang martsa patungong Batasan complex bitbit ang krus na kulay dilaw at gawa sa kahoy na may katagang “Pasakit sa manggagawa” at “Patalsikin!” sa magkabilang gilid nito na siyang papasanin ng mga manggagawang nakasuot ng hard hats.
Paliwanag ni Leody de Guzman, national chairperson ng BMP, simbolo ang krus ng nararanasang hirap ng mga manggagawa sa apat na taong panunungkulan ng Pangulo.
Nasa 10,000 pulis ang idedeploy sa Batasan Complex na pagdarausan ng SONA, gayundin sa Mendiola sa palibot ng Malacañang.
Ang AFP Joint Task Force-NCR sa pamumuno ni Brig. Gen. Manuel Gonzales ay magpapakalat naman ng mahigit 600 sundalo upang tumulong sa pangangalaga ng seguridad.
Siniguro naman ng Malacañang na in high-spirits si Pangulong Aquino sa kanyang SONA at hindi natitinag sa itinakdang mga kilos-protesta ng iba’t ibang grupo.
Inaasahang hindi lalampas ng isang oras ang magiging talumpati ng Pangulo.
Posibleng maging tampok sa SONA ang nilagdaang Final Peace Agreement ng gobyerno ng Pilipinas at Moro Islamic Liberation Front (MILF).
Inaasahan ding muling ipagtatanggol ng Pangulo ang usapin ng Disbursement Acceleration Program o DAP.
- Latest