Abad: DAP hindi bago, hindi sikreto
MANILA, Philippines — Matagal nang ginagawa ang paglilipat ng pondo upang mapabilis ang pagpapatupad ng ilang proyekto, ayon kay Budget Secretary Florencio Abad ngayong Huwebes.
Sinabi ni Abad na iba lamang ang tawag ngunit kaparehong mekanismo nang kontrobersyal na Disbursement Acceleration Program (DAP) ang ginagawa noon ng mga dating Pangulo na sina Gloria Macapagal Arroyo, Fidel V. Ramos at Joseph Estrada para mapabilis ang paglago ng ekonomiya.
Tinawag na Reserve Control Account ang programa nina Ramos at Estrada, habang Overall Savings naman ang bansag noong administrasyon Arroyo.
"Historically speaking, cross-border transfers from one branch of government to another were not uncommon," pahayag ni Abad sa kanyang pagharap sa Senado.
"Not only has it been done before. We knew that we could implement DAP because the law permitted it."
Patuloy na dinedepensahan ng administrasyong Aquino ang DAP na idineklara ng Korte Suprema na hindi naaayon sa Saligang Batas ang ilang bahagi nito.
Pinasinungalingan ni Abad ang sinasabi ng ilang senador na hindi nila alam ang DAP at aniya'y tinalakay nila ang kontrobersyal na programa sa Senado noong Oktubre 2011.
"As you may remember, I had already presented DAP to the Senate committee on finance in October 2011 during the presentation of the proposed 2012 national budget," paliwanag ng kalihim na sinabi pang tinutukan din ito ng mga mamamahayag.
Iginiit ni Abad na nakinabang ang publiko sa DAP at patunay dito ang paglago ng ekonomiya kung saan sa unang pagkakataon sa kasaysayan ng bansa na mabigyan ng investment grade rating.
- Latest