2nd impeachment vs PNoy inihain
MANILA, Philippines - Panibagong impeachment complaint ang inihain sa Kamara ng grupo ng mga kabataan laban kay Pangulong Aquino kaugnay sa Disbursement Acceleration Program (DAP).
Pinangunahan ng Youth Act Now, Anakbayan at mga student council representatives sa iba’t ibang mga unibersidad ang pagsasampa ng reklamo sa tanggapan ni House Secretary General Marilyn Barua-Yap.
Inaakusahan ng mga ito si Aquino ng paglabag sa culpable violation of the Constitution, betrayal of public trust, at graft and corruption dahil sa iligal na pagbuo sa DAP.
Nilinaw ng grupo na hindi nito inaakusahan si PNoy na nagbulsa ng pera ngunit kinukuwestyon nito kung bakit ito namahagi ng pondo sa mga miyembro ng Kongreso at mga kaalyado.
Inendorso naman ni Kabataan Rep. Terry Ridon ang 2nd verified impeachment complaint laban sa Pangulo dahil naniniwala itong sufficient in form and substance ang nasabing reklamo. Ito na ang ikalawang impeachment complaint laban kay PNoy.
Umapela ito sa mga kasamahang mambabatas na nakinabang din sa DAP na huwag sanang harangin ang mga complaint na inihain laban kay PNoy sa Kongreso at hayaan ang nais ng publiko na kumilos para rito.
Sinabi naman dito ni Vencer Crisostomo, Anakbayan National Chairperson, na mas malala pa ito ng 500 beses sa kinasangkutang anomalya ni dating Pangulong Gloria Arroyo at sa PDAF scam ngayon na ibinabato sa mga senador at mga kongresista.
Noong Lunes ay naghain ng impeachment complaint ang may 27 petitioner laban kay Aquino kaugnay pa rin sa isyu ng DAP.
Siniguro naman ni Iloilo Rep. Niel Tupas Jr., chairman ng House Committee on Justice, na bibigyan nila ng prayoridad ang pagtalakay sa impeachment complaint na inihain laban kay Aquino.
- Latest