‘Black & Red’ protest ng court employees kasado sa Lunes
MANILA, Philippines - Kasado na bukas ang “Black and Red” protest na isasagawa ng Supreme Court Employees Association (SCEA) pagkatapos ng flag raising ceremony bilang pagkontra sa naging panawagan ni Pangulong Aquino na magsuot ng dilaw o yellow ribbon kung sumusuporta sa kaniyang administrasyon.
Sinabi ni Jojo Guerrero, presidente ng SCEA, ang pagsusuot nila ng pula at itim ay upang maipakita sa Malakanyang ang kanilang galit dahil sa pagpuntirya sa Judicial Development Fund kasunod ng desisyon ng Korte Suprema na iligal ang Disbursement Acceleration Program o DAP.
Iginiit ni Guerrero na ang JDF ay hindi maituturing na pork barrel ng hudikatura dahil hindi naman discretionary ang paggugol sa pondo.
Ang JDF ay special purpose fund na binuo noong 1984 sa ilalim ng Presidential Decree No. 1949 para sa benepisyo ng mga miyembro at kawani ng hudikatura upang manatili ang pagiging independent nito sa iba pang sangay ng gobyerno.
Ang aksiyon umano ni PNoy ay hindi maituturing na pag-atake sa hudikatura kundi pag-atake sa Konstitusyon.
Kabilang rin sa inaasahang magsasagawa ng sabayang kilos-protesta ang mga kawani ng iba’t ibang hukuman sa bansa, kabilang ang Sandiganbayan, Court of Tax Appeals at Court of Appeals.
Nilinaw ni Guerrero na hindi nila ikinonsulta sa mga mahistrado ang kanilang isasagawang kilos-protesta dahil mayroon din silang karapatan na maghayag ng kanilang saloobin at protektahan at ipaglaban ang kanilang tahanan, ang sangay ng hudikatura.
Nag-ugat ang nasabing reaksiyon sa naging speech ni PNoy noong nakalipas na Lunes na kumukuwestiyon sa naging hatol ng Korte Suprema sa pagiging unconstitutional ng DAP, dahil nasagasaan nito ang hiwalay na kapangyarihan ng Kongreso hinggil sa pondo ng bayan partikular sa DAP.
Nabatid sa naging desisyon ng SC sa DAP ay 13 mahistrado ang pumabor na ideklarang labag ito sa Saligang Batas.
Kaugnay nito, ikinakasa na rin ang gagawing pagkilos sa Hulyo 28 o ang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Aquino.
- Latest