Patay kay Glenda, 86 na
MANILA, Philippines - Patuloy sa pagtaas ang death toll sa bagyong Glenda na umaabot na sa 86 katao, 232 ang nasugatan habang lima pa ang patuloy na pinaghahanap.
Ayon kay National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Executive Director Alexander Pama, pinakahuling nadagdag sa death toll ay mula sa mga lalawigan ng Batangas, Quezon, Camarines Sur at Sorsogon.
Pinakamalaking bilang naman ng mga naitalang nasawi ay mula sa Region IV A o CALABARZON na umabot sa 63 katao.
Karamihan ay nadaganan ng mga nabuwal na puno, poste ng kuryente, gumuhong pader at nalunod.
Lumobo rin sa P1.6 milyon katao ang naapektuhan ng bagyo sa Ilocos, Central at Southern Luzon, Bicol, Easten Visayas at Metro Manila kung saan aabot sa 97,055 pamilya o kabuuang 518,714 katao sa mga ito ang kinukupkop sa 1,264 evacuation centers.
Naitala sa P5.860,756,042.28 bilyon ang pinsala kung saan P1,049,931,600 dito ay sa imprastraktura at P4,810,824,442 sa agrikultura.
Nasa 27,874 kabahayan naman ang nawasak habang 83,498 ang nagtamo ng mga pinsala.
Samantala marami pang mga lugar na hinagupit ng bagyo ang wala pa ring supply ng kuryente.
Sa talaan ng NDRRMC, kabilang sa naideklarang nasa state of calamity ay ang Cavite, Laguna, Albay, Camarines Sur, Naga City; Obando, Bulacan; Tigaon, Camarines Sur; Bula, Camarines Sur; Naga City, Samar at iba pa na idineklara naman ng mga lokal na opisyal.
- Latest