Jinggoy sinuspinde ng 90 days
MANILA, Philippines - Sinuspinde na kahapon ng Sandiganbayan 5th division si Sen. Jinggoy Estrada kaugnay ng kanyang kasong plunder na may kinalaman sa pork barrel scam.
Ninety (90) days ang inutos na suspension ng graft court laban kay Estrada bilang pagtalima sa rekomendasyon ng tanggapan ng Ombudsman.
Binigyang diin ng Ombudsman na alinsunod sa batas, ang mga opisyal ng gobyerno na nasasangkot sa kasong plunder ay dapat suspendihin sa serbisyo para bigyang daan ang pagbusisi ng graft court sa kaso nito.
Bumuwelta naman agad ang depensa at sinabi ni Atty. Alexis Abastillas, abogado ni Estrada na magsasampa sila ng motion for reconsideration para ipatigil ang kautusan ng graft court laban sa kliyente.
Samantala, tiniyak ni Senate President Franklin Drilon na susunod ang Senado sa ipinalabas na 90-day preventive suspension laban kay Estrada at ipatutupad ang utos ng korte.
Ipinaliwanag ni Drilon na ang isang senador na sumasailalim sa preventive suspension ay hindi maaaring gumanap ng kanyang trabaho.
Kabilang pa sa mga hindi puwedeng gawin ng isang nasuspendidong senador ay ang hindi pagdalo ng sesyon at committee hearing at ang paghahain ng panukalang batas at paglagda sa mga committee reports.
- Latest