PNoy ayaw makipagbanggaan sa SC – Malacañang
MANILA, Philippines — Hindi intensyon ni Pangulong Benigno Aquino III na gumawa ng gusot sa pagitan nila ng Korte Suprema kaugnay ng Disbursement Acceleration Program (DAP), ayon sa Palasyo ngayong Martes.
Sinabi ni Presidential Communications Operations Office head Herminio Coloma Jr. na nais lamang ng Pangulo na sama-sama sila ng ehekutibo at hudikaturya sa pag-angat ng bansa.
"Kaya nanawagan po ang ating Pangulo sa pagtutulungan at sa pagkakaunawaan. Hindi naman po niya gustong magkaroon ng banggaan. Kung susuriin nating maigi iyong kaniyang talumpati, sinabi po niya nang malinaw iyon," pahayag ni Coloma.
Inanunsyo kahapon ni Aquino na pormal silang mag-aapela sa mataas na hukuman para bawiin ang deklarasyon na hindi naaayon sa Saligang Batas ang DAP.
"Ang panawagan natin sa Korte Suprema: huwag ninyo naman sana kaming hadlangan. Hindi ba dapat kasama namin kayo sa repormang ito? Tapusin na natin ang sistemang nagpapahamak sa taumbayan," wika ni Aquino.
"Ayaw nating umabot pa sa puntong magbabanggaan ang dalawang magkapantay na sangay ng gobyerno, kung saan kailangan pang mamagitan ng ikatlong sangay ng gobyerno. Mahirap pong maintindihan ang desisyon ninyo."
Samantala, nagbabala naman si Senator Serge Osmeña sa posibleng constitutional crisis kung patuloy na kakalabani ni Aquino ang Korte Suprema.
"Well, true to form the President was hard-headed, tigas ulo," wika ng senador.
"It seems he does not know how to accept he made a mistake, an innocent mistake, a mistake without a criminal intent but a mistake anyway because the SC ruled 13-0."
- Latest