‘Love scams’ sa FB at chatrooms, mga Pinay nabiktima
MANILA, Philippines - Nagbabala ang Embahada ng Pilipinas sa Kuala Lumpur sa mga Pinoy na mag-ingat sa lumalaganap na internet o love scams matapos na ilang Pinay na ang nabiktima at nakuhanan ng malaking halaga.
Ayon sa Embahada, nakatanggap sila ng mga reklamo mula sa mga Pinay na nabiktima ng scammers na kanilang nakilala sa chatrooms at Facebook messaging.
Base sa salaysay ng isang Pinay na nakabase sa Hong Kong, isang Briton na nakabase umano sa Malaysia ang nakilala nito sa social website hanggang sa maging fiancé nito matapos ang dalawang buwan. Sa palitan ng kanilang mensahe o chat sa internet at sa mga pangako ng Briton ay napaniwala ang Pinay hanggang sa magpadala ng malaking halaga ng pera ang Pinay sa nasabing dayuhan. Mula noon hindi na niya nakita pa at narinig ang pekeng fiance.
Bukod dito, dalawang Pinay ang nabiktima ng isang Malaysia-based Translink Express Courier na nagsabi sa kanila na i-claim o kunin ang parcels na ipinadala ng kanila umanong mga ‘lovers’ na nasa Customs Office. Nagpadala rin ng pera ang dalawang Pinay sa courier via Western Union subalit wala silang natanggap na anumang padala.
Nakilala naman ng isang lalaking Malaysian national ang umano’y magandang Pinay sa Facebook at Skype na may account names na Yukico Taro at Kico Taro. Lagi umano silang nag-uusap na dalawa sa pamamagitan ng FB hanggang sa umabot sila sa punto na isagawa ang ‘indecent acts’ sa webcam. Lingid sa kaalaman ng Malaysian na isa palang miyembro ng sindikato ang umano’y Pinay hanggang sa i-record ang kanilang aksyon sa camera. Dahil dito, ginamit ang nasabing camsex video laban sa Malaysian at binantaan na ilalabas ito sa YouTube kung hindi magpapadala ng pera.
Nakikipag-ugnayan na ang Embahada sa Philippine National Police at Royal Malaysian Police upang mabigyan ng aksyon sa reklamo ng Malaysian national at sa kaso ng iba pang Pinay na biktima ng internet scams.
- Latest