BJMP at doctor ni Reyes, sinubpoena ng Sandiganbayan
MANILA, Philippines - Pinadalhan ng subpoena kahapon ng Sandiganbayan 3rd Division ang warden ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) at ang doktor ni Atty. Gigi Reyes upang sabihin kung bakit biglang nadala sa ospital ang abogada noong Huwebes.
Ayon kay Atty. Dennis Pulma, clerk of court ng 3rd Division, nais ng Sandiganbayan na dumalo sa gagawing pagdinig ng graft court ngayong ala-1:00 ng Martes ng hapon sina Female Jail warden Jundelina Jagunap ng Taguig City Jail female dormitory ng Camp Bagong Diwa at sina Dr. Anthony Lontoc, attending physician ni Reyes; Dr. Prudencio Santa Lucia, direktor ng Taguig-Pateros District Hospital (TPDH) at direktor ng Philippine Heart Center (PHC).
Si Lontoc din ang attending physician ni Reyes nang inilipat ito sa Heart Center Quezon City noong Biyernes ng gabi.
Matatandaang si Reyes ay dinala sa Taguig Hospital ng mag-panic attact at tumaas ang blood pressure nang ilipat ito sa Camp Bagong Diwa Taguig mula Sandiganbayan detention cell. Nailipat naman ito sa Heart Center dahil sa paninikip ng dibdib nito at hirap sa paghinga.
Umani naman ng pagbatikos ang ginawang paglilipat kay Reyes sa pagamutan dahil wala daw utos ang korte para dito.
- Latest