Pagdala kay Gigi Reyes sa Heart Center special treatment! - Hustisya
MANILA, Philippines - Mariing binatikos ng grupong Hustisya ang anila’y VIP treatment na naibibigay ng pamahalaan kay Atty. Gigi Reyes nang dalhin ito sa Phil. Heart Center sa Quezon City.
Ayon kay Cristina Guevarra, secretary general ng Hustisya, hindi katanggap-tanggap ang ginawa ng gobyerno kay Reyes na dating tauhan ni Sen. Juan Ponce Enrile at kapwa akusado ng mambabatas sa kasong graft at plunder.
“Di lang ito special treatment, pagkanlong ito sa mga mandarambong! lahat ng akusado at bilanggo, may karapatan sa pagpapagamot at sa medikal na atensyon. Pero itong pagtrato nila kay Reyes, kahit kailan hindi ito ginawa ng gobyernong Aquino sa mga ordinaryong bilanggo, kasama ang mga bilanggong pulitikal,” pahayag pa ni Guevara.
Higit na ikinagalit ng grupo na sa loob ng 24 oras ay nadala si Reyes sa pagamutan samantalang ang mga ordinaryong bilanggo gaya ng mga bilanggong pulitikal ay inaabot anila ng isang buwan o higit pa bago payagang makapagpatingin sa pagamutan.
“Nagagalit kami dahil ang mga karaniwang preso, gaya ng mga bilanggong pulitikal na ginigipit ng gobyerno, mamamatay na lang hindi pa dinadala sa ospital. Double standard ng hustisya ang ipinatutupad sa ating bayan,” dagdag ni Guevarra.
Binigyang diin ni Guevarra na kitang kita ang kaibahan ng pagtrato ng gobyernong Aquino kay Reyes kumpara sa mga bilanggong pulitikal kagaya nina Andrea Rosal na namatayan ng anak matapos ang mga kahirapang dinanas sa kulungan pati na rin si Ramon Argente na binalik pa ng kulungan matapos i-bypass surgery gayundin si Miradel Torres na dinudugo at maselan ang pagbubuntis pero inaresto at diniretso sa bilangguan.
Ayon sa Hustisya, may humigit-kulang 50 mga bilanggong pulitikal ang matatanda, maysakit at matagal nang nakakulong na hindi man lamang nakaranas ng katulad na pagtrato kay Reyes.
- Latest