Enrile isinailalim uli sa eye check-up
MANILA, Philippines - Muling isinailalim sa eye check-up si Sen. Juan Ponce Enrile sa Asian Eye Institute sa Makati City nitong Sabado ng umaga.
Si Enrile ay isinakay sa ambulansya ng PNP General Hospital patungong Asian Eye Institute sa Rockwell, Makati City bandang alas-6 ng umaga.
Ayon kay Chief Supt. Alejandro Advincula, Director ng PNP Health Service, tumagal lamang ng 30 minuto ang check-up sa mata ni Enrile bago ito ibinalik sa pansamantala niyang ‘hospital detention’ sa PNP General Hospital pasado alas-8 ng umaga.
Sinabi ni Advincula na bagaman mayroon namang mga espesyalistang doktor sa mata o Opthalmologist ang PNP hospital ay wala itong pasilidad para sa maselang problema sa mata ng 90 anyos na senador.
Nabatid na nagtataglay si Enrile ng ‘macular degeneration” na sakit sa mata bunga ng katandaan na maaring ikabulag nito kung hindi gagamutin at aagapan.
Nitong Hulyo 5 at 6 o isang araw matapos sumuko sa PNP si Enrile ay sumailalim na ito sa ‘eye injection’ sa nasabing pagamutan at kahapon ay isinagawa naman ang follow-up check up para rito. Ang senador ay dalawang beses isang linggo kung isailalim sa ‘eye checkup”.
- Latest