PNP mas malaki ang gastos kay Napoles vs 3 senador
MANILA, Philippines – Inamin ng Philippine National Police na mas malaki ang kanilang ginagastos sa kulungan ng itinuturong utak ng pork barrel scam na si Janet Lim-Napoles kumpara sa tatlong senador na sangkot din sa kontrobersya.
Sinabi ni PNP spokesman Chief Superintendent Reuben Theodore Sindac sa dzMM na umaabot sa P150,000 ang gastos kay Napoles na nakakulong sa Fort Sto. Domingo sa Sta. Rosa City Laguna.
Dagdag ng tagapagsalita na wala pa rito ang P120,000 na gastos tuwing aalis si Napoles para sa pagpunta sa korte at pagpapa-konsulta sa doktor.
Tatlong magkakahiwalay na kasong pandarambong ang kinakaharap ni Napoles kaya naman magkakahiwalay ang pagdinig na dinadaluhan niya.
Nakulong si Napoles sa kasong serious illegal detention na isinampa ng pork scam whistleblower na si Benhur Luy.
Hindi naman binanggit ni Sindac kung magkano ang ginagastos nila sa pagpapanatili sa selda nina Senador Juan Ponce Enrile, Bong Revilla at Jinggoy Estrada.
- Latest