MMDA todo-handa sa INC Centennial
MANILA, Philippines - Handa na ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) para sa isasagawang pagdiriwang ng ika-100 anibersaryo ng Iglesia ni Cristo (INC) sa darating na Hulyo 27.
Nabatid na ang MMDA ang itinalagang ahensiya na siyang mamuno sa binuong ‘Task Force Sentenaryo’ ng Malacañang para pamahalaan ang kabuuang pangangailangang kaugnay sa pagdiriwang ng makasaysayang okasyon ng INC.
Mula ito sa pagsasayos ng daloy ng trapiko hanggang sa pagpapanatili ng kaayusan, katahimikan gayundin ang kaligtasan ng mga lalahok sa okasyon sa pamamagitan na rin ng pakikipag-ugnayan sa public at private.
Binuo ang ‘Task Force Sentenaryo’ sa bisa na ipinalabas na Memorandum Circular No. 66 ng Office of the President sa pamamagitan ni Executive Secretary Paquito Ochoa.
Ang kasapi ng Task Force ay sina Defense Secretary Voltaire Gazmin; DILG Sec. Manuel Roxas II; DPWH Sec. Rogelio Singson; Health Secretary Enrique Ona; Secretary Sonny Coloma ng Presidential Communications Operations Office; Gen. Emmanuel Bautista, ng Armed Forces Chief of Staff; Director General Alan Purisima, ng Philippine National Police; Winston Ginez ng LTFRB; Juan Sta. Ana ng Philippine Ports Authority; Jose Angel Honrado, ng Manila International Airport Authority; Edmundo Reyes, executive director ng Toll Regulatory Board; at kinatawan mula sa INC.
Nabatid kay MMDA Chairman Francis Tolentino, nagsimula nang magpulong ang Task Force upang masigurong magiging maayos ang takbo ng selebrasyon na inaasahang lalahukan ng milyun-milyong kaanib sa INC mula sa iba’t ibang panig ng mundo
Ang selebrasyon ay isasagawa sa bagong tayong Philippine Arena , ang tinaguriang World’s Biggest Arena sa Bocaue, Bulacan.
Inaasahang bubuo sila ng malaking puwersa na tututok sa daloy ng trapiko, seguridad at gayundin sa health matters.
Dagdag ni Tolentino, ilalatag niya sa mga darating na araw ang mabubuo nilang mga paghahanda para sa naturang makasaysayang selebrasyon ng INC.
- Latest