DAP iimbestigahan na rin ng Senado
MANILA, Philippines - Iimbestigahan na rin ng Senate Committee on Finance ang kontrobersiyal na Disbursement Acceleration Program (DAP) kahit pa nakinabang dito ang mga senador.
Ito ang tiniyak kahapon ni Senator Francis “Chiz” Escudero na isa sa mga sinasabing nakatanggap ng malaking pondo mula sa DAP.
Ayon kay Escudero, na-postpone lamang ang kanilang imbestigasyon noon dahil hinihintay nila ang desisyon ng Korte Suprema.
Hiniling na umano nila sa Department of Budget and Management (DBM) ang listahan ng mga appropriations at allocations bagama’t hindi magkatugma ang lumalabas sa diyaryo at ang ibinigay sa kanila ng ahensiya.
Dahil aniya sa nakitang discrepancy ay ipagpapatuloy ng komite ang imbestigasyon.
Sinabi pa ni Escudero na hindi naman nila alam ang ginawang sistema ng Malacañang tungkol sa DAP.
Tiniyak ni Escudero na kahit isang pondo mula sa DAP na inilaan para sa kanya ay hindi napunta sa anumang Non Government Organizations (NGO) ni Janet Lim Napoles, ang itinuturong utak ng pork barrel fund scam.
- Latest