Panukala sa ligtas na QC buildings pinaaapura
MANILA, Philippines - Hiniling kamakailan ng isang eksperto sa disaster preparedness ang mabilis na pag-apruba at pagpapatupad ng panukalang batas ni QC district 5 Councilor Karl Castelo ukol sa ligtas at matibay na mga gusali sa Quezon City.
Ayon kay Bow Moreno, isang structural engineer na nagsusulong ng disaster preparedness sa bansa, ang 5.7 magnitude na lindol na yumanig sa kamaynilaan at iba pang bahagi ng bansa ay sapat nang dahilan upang aprubahan ng konseho ang panukala ni Castelo sa lalong madaling panahon.
Ani Moreno, maraming buhay ang maililigtas ng panukala ni Castelo sa oras na tumama ang malakas na lindol sa siyudad.
Sa ilalim ng panukala, inoobliga ni Castelo ang may-ari ng bawat gusali sa QC na ipasailalim sa pagsusuri ng otoridad ang kanilang mga istraktura upang masertipika kung ang mga ito ay tatayo o babagsak sa oras ng pagyanig.
Nauna nang sinabi ni Castelo na maraming gusali sa QC ang luma at tinatayang bumigay kapag dumating ang isang malakas na paglindol.
“Let us not wait for tragedies to happen. Let us save lives. Let us make sure that buildings in Quezon City are safe for our people,” ani Moreno.
Sa panukala ni Castelo, dapat ipaskil ng mga may-ari ng gusali ang certificate of safety and structural soundness ng mga istraktura sa lugar tulad ng lobby kung saan madali itong makikita ng publiko.
- Latest