Clearance sa live coverage sa Crame ipatutupad
MANILA, Philippines - Ipatutupad ng Philippine National Police (PNP) ang ‘clearance’ sa mga television networks na magsasagawa ng live coverage partikular na sa malalaking isyu sa Camp Crame.
Ayon kay PNP spokesman Chief Supt. Reuben Theodore Sindac, hihingan na nila ng letter of request ang mga TV networks na magpoposte ng kanilang mga OB van sa tuwing may malalaking coverage sa Camp Crame.
Ito’y sa gitna na rin ng pagkakakulong kina Sens. Jinggoy Estrada at Bong Revilla sa PNP Custodial Center dahil sa kasong plunder kaugnay ng P10 bilyong pork barrel scam.
Sinabi ni Sindac na kailangang may lagda ang sulat ng kinauukulang network official na isusumite sa kanilang tanggapan.
Kailangan ding mailakip sa liham ang duration o kung gaano katagal ipoposte ang mga OB van sa loob ng kampo.
Ang protocol ay gagawin kasunod ng obserbasyon ng PNP na nagsisipagbabad ang nabanggit na mga broadcast equipment sa bisinidad ng kampo lalo na nitong mga nakalipas na araw.
- Latest