Hepe ng PNP Custodial Center sinibak!
MANILA, Philippines - Sinibak na sa puwesto ang hepe ng PNP Custodial Center sa Camp Crame na si Supt. Mario Malana dahil sa kontrobersyal na isyu ng paglagpas sa visiting hours ng pamilya at mga kaibigan nina Senators Jinggoy Estrada at Bong Revilla.
Ayon kay PNP spokesman Chief Supt. Reuben Theodore Sindac, lumilitaw sa pre-charge investigation na nagpabaya sa tungkulin (neglect of duty) si Supt. Malana dahil hinayaan umano nitong mag-overstay sa visiting hours ang pamilya at mga kaibigan nina Estrada at Revilla.
Si Malana ay pinalitan ni Supt. Peter Limbauan.
Una nang binatikos ang paglagpas sa visiting hours ng pamilya at malalapit na kaibigan ng dalawang solon umpisa noong Hunyo 28 ng Sabado ng gabi na umabot ng hanggang alas-3 ng madaling araw kinabukasan ng Linggo.
Binigyan si Malana ng 48 oras para magpaliwanag sa insidente.
Dahil dito, sasalang si Malana sa pagdinig sa administrative case na less grave neglect of duty na kung mapapatunayang guilty ay masususpinde mula 30 hanggang 59 araw na walang sahod at allowance. Pansamantala namang magrereport si Malana sa PNP Holding Unit habang ito’y nasa floating status.
Bago pa pinalawig ang visiting hours ay itinakda ito mula alas-9 ng umaga hanggang alas-3 ng hapon tuwing Huwebes at Linggo. Humirit naman ang pamilya ng mga ito na mapahaba ang visiting hours.
Dahil dito, puwera Lunes na cleaning at laundry day ay maari ng mabisita araw-araw sina Jinggoy at Bong.
Ala-1 ng hapon hanggang alas-5 ng hapon tuwing Martes hanggang Biyernes ang pagbisita sa mga ito.
Tuwing Sabado at Linggo naman ay mula alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon.
Kaugnay nito, naghigpit ng seguridad sa Custodial Center matapos namang makakalap ng lagda ang nasa 58 detainees sa kanilang manifesto na nais alisin na rito sina Jinggoy at Bong na umano’y ilipat na lamang sa ibang kulungan.
Sinabi ni Sindac, palaisipan sa kanila kung paano nakakalap ng lagda sa nasabing mga inmates gayong magkakahiwalay naman ng selda ang mga ito.
- Latest