Fraternity at sorority, bawal sa public schools
MANILA, Philippines - Mahigpit na ipinagbabawal ng Department of Education (DepEd) ang pagbubuo ng mga fraternity at sorority sa mga public elementary at high schools sa bansa.
Ang pahayag ay ginawa ni Education Undersecretary Tonisito Umali kasunod nang pagkamatay sa hazing ni Guillo Cesar Servando na 2nd year Hotel and Restaurant Management (HRM) student ng De La Salle-College of St. Benilde nitong Sabado ng gabi.
Ayon kay Umali, ang kautusan ay ginawa upang proteksyunan ang mga mag-aaral mula sa mga karahasan na dulot ng mga naturang samahan.
Hanggang sa ngayon aniya ay patuloy ang mahigpit na tagubilin ng DepEd sa lahat ng kanilang regional officers at high school heads na masusing i-monitor ang mga binubuong grupo sa loob ng kanilang mga nasasakupang paaralan.
Paglilinaw pa ni Umali, tanging mga club lamang na may kinalaman sa edukasyon tulad ng Art Club, Math Club at Science Club at mga kagaya nito ang pinapayagan ng DepEd na mamayagpag sa mga pampublikong paaralan sa bansa.
- Latest