50-anyos kritikal sa tarak ni ate
MANILA, Philippines - Nasa kritikal na kondisyon ang isang 50-anyos na lalaki makaraang saksakin ng kanyang ate sa gitna ng pagtatalo ukol sa hatian sa gastusin sa kanilang bahay sa Navotas City, kamakalawa ng gabi.
Isinugod sa Tondo General Hospital ang biktimang si Arturo Pantaleon, ng M. Fernando Street, Wawa, Brgy. Tangos, naturang lungsod.
Nadakip naman ang suspek na si Loreta Pantaleon, 56, residente rin ng naturang lugar.
Sa ulat ng Navotas City Police, alas-6:50 ng gabi nang magtalo ang magkapatid na Pantaleon nang kumprontahin ni Loreta ang kapatid na si Arturo ukol sa hindi pagbibigay nito ng kanyang kontribusyon sa gastusin ng kanilang bahay.
Inirereklamo ni Loreta na puro asa na lamang ang ginagawa ni Arturo sa kanya sa pagkain, at hindi man lang magbigay para sa pagbabayad ng bills sa kuryente at tubig.
Uminit ang pagtatalo ng dalawa hanggang sa kumuha ng patalim si Loreta. Naging maagap naman si Arturo na agad nahawakan ang kamay ng ate at nakipambuno sa patalim hanggang sa masaksak ang lalaki sa sikmura.
Kapwa isinugod ang dalawa sa pagamutan kung saan nilapatan ng lunas si Loreta na nagtamo ng sugat sa mga kamay.
Sa depensa nito, kanyang sinabi na ipinagtanggol lamang niya ang sarili sa kapatid.
- Latest