3 Pinoy huli sa droga sa China!
MANILA, Philippines - Tatlong Pinoy ang nahaharap sa kasong drug trafficking dahil sa pagpupuslit ng droga sa China.
Sa report ng Philippine Consulate General sa Guangzhou, hindi pinangalanan ang tatlong Pinoy na sinasabing sangkot sa dalawang kaso ng drug trafficking.
Isang “white paper” ang ipinalabas ng Guangzhou Intermediate People’s Court na nagpapakita ng pagtaas ng bilang ng mga dayuhan sa China na nasasangkot sa drug trafficking.
Binanggit sa white paper ang mga dayuhan na sangkot sa droga ay mula sa Africa, Southeast Asia kabilang na ang Pilipinas at Europe kung saan ginagamit ang lungsod ng Guangzhou na bagsakan, pagawaan, bentahan at puslitan ng droga.
Bukod sa Guangzhou, tumaas din ang drug trafficking sa Guangdong province, Hunan province at Xingjiang Uyghur Autonomous Region.
Pinapayuhan ng Konsulado ang mga Pinoy na naninirahan, nagtatrabaho at nagbabakasyon sa China na mag-ingat sa pagtanggap ng mga packages o bagahe na idedeliver sa Pilipinas o sa iba pang destinasyon.
Sa tala, may 95 Pinoy na ang hinatulan ng korte sa China at kasalukuyang nakakulong sa iba’t ibang piitan doon dahil sa drug smuggling at nasentensyahan ng bitay na may 2-taong reprieve, may fixed-term imprisonment at life imprisonment.
Noong Marso 2011, tatlong Pinoy na sina Ramon Credo, 42, Sally Villanueva, 33 at Elizabeth Batain, 38, ang nabigong masagip ng pamahalaan matapos magkakasabay na binitay sa pamamagitan ng lethal injection dahil sa pagpupuslit ng kilo-kilong heroin sa China.
- Latest